Huwebes, Oktubre 27, 2016

Migrasyon



OFW: Bayani sa Labas

            Sa hirap ng buhay ngayon, marahil palaisipan sa ating mga Pilipino kung paano umangat at umunlad ang katayuan sa lipunan? Marami sa atin ay nangangailangan ng sagot upang masagot ang mga katanungang ito. Kung pagbabatayan ang katayuan ng isa rito sa Pilipinas kumpara sa isang bansa maaaring napakalaki ng agwat sa pagitan nito. Dahil sa mga pangyayari at mga patunay na ito sapat na ba ang tinatawag nating “Migrasyon” upang makaahon sa pamumuhay?

            Sinasabing ang migrasyon ang tawag sa pagpunta o pagdayo ng isang tao o grupo ng tao sa isang lalawigan, barangay, bayan, ibang bansa o isang mas malayong lugar. Sa pananaw ng maraming Pilipino, talagang isang oportunidad ito para sa kanila. Maraming maaaring benepisyong hatid ang pagpunta o paglipat ng isang tao sa isang pook. Ngunit kabila ng maraming maganda at mabuting epekto nito, may nakaabang din itong masamang resulta o panganib sa buhay. Subalit marami pa rin ang nakikipagsapalaran at sumusubok sa pagnanais na gumanda ang buhay. Ang iba nga ay gumagawa na ng kasamaan o pilit na kumakapit sa patalim kapalit ng magandang kinabukasan. Pangunahin na sa ating mga Pilipino ang paghahanap ng maayos at de-kalidad na trabaho. Bunsod ng kakulangan ng hanapbuhay dito sa bansa, humahanap ang mga kababayan natin o tinatawag na OFW upang doon makilala at makatagpo ng kabuhayan. Bagama’t mahirap, pilit na tinitiis para sa mga mahal sa buhay.

            Katunayan may mga OFW na umunlad ang buhay dahil sa migrasyon. Yumaman ang iba at nakilala dahil sa kanilang angking husay at galing. Kung dito sa bansa hindi sila mapansin, sa iba naging matagumpay at naging propesyunal sila. Para sa akin, isang magandang pangitain kung saan ito ang magsisilbing daan pa sa mas maraming Pilipino na mangibang bansa Nakakatuwang isipin na mayroong mga kababayan natin na nabibigyan ng pangaral dahil sa kabutihan, pagpupunyagi, pagsisikap, at pagiging determinado nila sa kanilang hanapbuhay. Dagdag pa rito, hindi lang sila ang nakikilala kundi pati rin ang bansang kanilang sinasagisag. Dito nasasalamin kung anong uri ang mga tao nito at mismong pinanggalingan niya. Talaga namang maipagmamalaking tunay ng Pilipinas ang mga OFW dahil sa karangalang dinadala nito.

            Sa kabilang banda, ang mga tagumpay na ito ay may masamang dulot sa kanila. Lingid sa kaalaman ng ilan, hindi sa lahat ng pagkakataon masasabing ang OFW ay may masarap na kinahihinatnan. Ang iba’y nasasangkot sa iba’t ibang krimen lalo’t sa ibang bansa pa gaya ng sindikato ng droga, trafficking, pagpatay, at marami pa. Sa halip na trabahong legal ay ilegal at nagiging mista pa ng pagkakakulong, mas malala pa ay napaparusahan ng bitay dahil sa krimeng nagawa. Kung may nakakatuwa, meron ding nakakalungkot. Sa aking sariling pananaw, maaaring hindi sila nakahanap ng maayos na trabaho sa ibang bansa. Siguro sa pag-aakalang maganda agad ang kalalabasan, naging desperado at nabigo.

Ngunit sa kabutihang palad, mas marami pa rin ang mabuting balita tungkol sa OFW. Batay sa aklat ng Araling Panlipunan – Mga Kontemporaryong Isyu Gr. 10, ang may-akda, Ruben M. Milambiling, may 10 455 788 na OFW noong 2011 at patuloy pa itong tumataas. Resuta nito noong 2013, nagbigay ito ng $ 22.98 B na remittances na katumbas ng 10% ng GDP ng Pilipinas.

               
            Base rito, ang lahat ng ito ay hindi magiging posible kundi dahil sa kanila. Ang mga OFW ang siyang nagbukas sa ibang bansa na kilalanin ang Pilipinas. Hindi mapapalitan ng anumang materyal na bagay ang kabayanihan nila. Ang kanilang pagod, pawis, dugo, puyat, at sakripisyong mawalay sa minamahal sa buhay, ang siyang dapat nating pahalagahan. Sila ang itinuturing kong bayani ng bansa sa labas – OFW.